Paglilinis sa mga sementeryo maagang ilalarga ng MMDA
MANILA, Philippines – Maagang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong Lunes ang paglilinis sa mga pangunahing sementeryo sa Kamaynilaan kaugnay ng nalalapit na Undas.
Ayon kay Emerson Carlos, nasa 2,000 tauhan ng MMDA mula sa Metro Parkway Clearing Group at Sidewalk Clearing Group ang ikakalat sa mga sementeryo sa Kamaynilaan ngayong Lunes para maglinis.
Tutulong ang mga tauhan ng MMDA sa pagtatanggal ng damo, trimming ng mga puno at pagwawalis sa mga daanan habang ang mga puntod ay bahala na ang mga kaanak ng mga namayapa.
Bukod sa Manila North at South Cemeteries, prayoridad din ng MMDA ang Mandaluyong Cemetery, San Felipe, La Loma, Barangka, Loyola Memorial Park, Mariano Public Cemetery, Roman Catholic Cemetery, Pateros, Aglipay, Bagbag, Baesa, San Juan cemetery, Hagonoy, Libingan ng mga Bayani, Arkong Bato, Palasan, Karuhatan, Soldiers Hill, at ang Tugatog Cemetery.
Magtutuluy-tuloy ang paglilinis ng MMDA hanggang Nobyembre 2 kung kailan inaasahan na tone-toneladang basura ang mahahakot.
Opisyal na ilalarga naman ang “Oplan Kaluluwa” sa Oktubre 29 katuwang ang mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group at mga traffic units ng mga lokal na pamahalaan dahil sa inaasahang matinding pagsisikip sa trapiko sa bisinidad ng mga sementeryo.
- Latest