Matino at mahusay na pamumuhay, magpapaunlad sa Pinas - Alunan
MANILA, Philippines - Hindi ikinahihiya ni dating Secretary of Interior and Local Government Rafael “Raffy” Alunan III kung tawagin siyang “bubot” sa desisyon na pasukin ang mundo ng politika.
“Delikado at komplikado ang pumasok sa politika, lalo na sa mga katulad kong bagito, na alam ko napakahirap manalo sa larangang ito,” paliwanag ni Alunan matapos isumite ang kanyang certificate of candidacy (COC) para sa Senado.
Iginiit ng dating miyembro ng Gabinete nina dating Pangulong Cory Aquino at Fidel Ramos na ang kinabukasan ng mga kabataan at kabutihan ng buhay ng mga mahihirap ang nagtulak sa kanya upang pasukin ang bagong pakikipagsapalaran sa kanyang buhay.
“Sa edad kong ito, hindi na ako puwedeng mag-relax at magsawalang-kibo dahil alam ko na ang kinabukasan ng ating mga kabataan ay nakasalalay sa tamang pamamahala,” diin ni Alunan.
Para kay Alunan, magsisimula ang kaunlaran ng sambayanan kung matututo ang bawat Pilipino na pahalagahan ang bansa at ang ating kapwa.
Matagal na ring ipinaglalaban ni Alunan ang kahalagahan ng pagkakaisa kaya nakita niya ang pagsasamantala ng ibang bansa partikular na ang China na sinasakop ang mga islang nakapaloob sa ating exclusive economic zone (EEZ).
- Latest