Dinukot na mayor at anak natagpuang patay
MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng kanilang bahay dinukot ang isang mayor at anak nito ng mga miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagpanggap na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) saka brutal na pinaslang sa Butuan City, Agusan del Norte.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Dario Otaza, Mayor ng Loreto, Agusan del Sur at anak nitong si Daryl, 27.
Sa ulat ni Major Gen.Oscar Lactao, Commander ng Army’s 4th Infantry Division (ID) na ang mag-ama ay iginapos muna sa kamay bago pagbabarilin at ang kanilang bangkay ay natagpuan ng tropa ng Army’s 23rd Infantry Battalion (IB) nitong Martes dakong alas-6:15 ng umaga sa masukal na bisinidad ng Purok 2, Brgy. Bitan-agan.
Nabatid, dakong alas-6:50 ng gabi nang pasukin ng nasa 18 rebeldeng NPA na nagpakilalang miyembro ng NBI ang bahay ng mag-ama sa Purok 5, Brgy. Baan sa Butuan City.
Sinunggaban kaagad ang anak ni Mayor Otaza na ginamit upang mapilitan ang alkalde na lumabas saka tinutukan ng baril ang mag-ama na iginapos ng mga ito saka kinaladkad pasakay sa isang kulay itim na Starex van na pag-aari ng biktima.
Ang sasakyan ng alkalde na kinomander ng mga rebelde ay narekober na rin ng pulisya kahapon ng umaga di kalayuan sa lugar na kinatagpuan sa bangkay ng mag-ama.
Nabatid naman kay AFP-Eastern Mindanao Command (AFPEastmincom) Chief Lt. Gen. Aurelio Baladad na si Otaza mula sa katutubong Manobo ay dating miyembro ng NPA rebels na tumiwalag sa kilusan matapos sumuko sa pamahalaan na naging aktibo sa krusada kontra sa komunistang grupo.
Bilang alkalde at miyembro ng Provincial Tribal Council sa Agusan del Sur ay napalaya nito mula sa exploitation at pagmamanipula ng NPA rebels ang kaniyang bayan at ang opisyal rin ang nagsilbing susi sa pagsuko ng 246 opisyal at miyembro ng NPA rebels na karamihan ay mga Lumad.
- Latest