27 katao nasagip sa bangkang lumubog
MANILA, Philippines - Nailigtas sa tiyak na kamatayan ang dalawampu’t pitong katao kabilang ang anim na tripulante matapos na sila ay masagip nang aksidenteng lumubog ang pampasaherong bangka na sinasakyan nila nang balyahin ng malalaking alon sa karagatan ng Brgy. Punta Engaño sa Lapu-Lapu City, Cebu kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense (OCD), bago nangyari ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga insidente sa bahagi ng nasabing karagatan malapit sa Camotes Island ay umalis ang bangkang M/B Mansan Talibon, Bohol dakong alas-9 ng gabi noong Biyernes.
Ang nasabing bangka ay magbibiyahe ng mga isda, seaweed, tulya at iba pang produktong dagat sa palengke ng Brgy. Pasil sa Cebu City.
Sa pahayag ng kapitan ng bangka na si Norberto Aparice, maayos pa ang lagay ng karagatan ng umalis sila sa Talibon, Bohol subalit habang naglalayag ay hinampas sila ng malalaking alon at naputol ang katig ng bangka kaya’t tumagilid ito at pasukin ng tubig.
Napilitan ang mga pasahero na itapon ang kanilang mga karga, pero lumubog pa rin kaya’t nagsuot sila ng life jacket.
Nanguyapit sa tagiliran ng bangka ang mga pasahero hanggang sa dumaan ang barkong M/V Filipinas Dinagat ng Cokaliong Shipping Lines at nasagip ang mga ito.
- Latest