Aurora nasa signal #4; 7 lugar signal #3... ‘Lando’ lalo pang lumakas
MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta ang bagyong Lando sa lalawigan ng Aurora, Isabela at Northern Luzon matapos itaas ng PAGASA sa signal# 4 ang una habang nasa signal #3 ang pitong lugar.
Nabatid na alas-5:00 ng hapon kahapon, si Lando ay namataan ng PAGASA sa layong 230 kilometro ng silangan ng Baler, Aurora taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 210 kilometro bawat oras.
Si Lando ay kumikilos pakanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Kaya’t itinaas sa signal number 4 ang lalawigan ng Aurora at signal number 3 sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Ifugao, Northern Quezon kasama na ang Polillo Islands.
Signal number 2 naman sa Cagayan kasama na ang Calayan at Babuyan group of Islands, Benguet, Mt. Province, Abra, Kalinga Apayao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, nalalabing bahagi ng Quezon, Camarines Norte at Metro Manila.
Signal number 1 sa Batanes, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Lubang Island, Northern Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Sur, Albay at Catanduanes.
Ngayong linggo ng hapon, si Lando ay nasa bisinidad ng Nagtipunan, Quirino at sa Lunes ng hapon ay nasa Lubuagan, Kalinga.
Sa Martes ng hapon ay nasa layong 20 kilometro ng hilagang kanluran ng Aparri, Cagayan at sa Miyerkules ng hapon, si Lando ay inaasahang nasa layong 70 kilometro timog ng Basco, Batanes at sa Huwebes ay nasa layong 130 kilometro ng hilagang silangan ng Basco, Batanes.
- Latest