Parak hinostage, kasama binaril sa pagsisilbi ng warrant
MANILA, Philippines – Malubhang nasugatan ang isang pulis habang ang kasama nito ay binihag ng isang pinaghihinalaang illegal logger habang isinisilbi ang warrant of arrest kamakalawa sa Brgy. Sayon, Sta. Josefa, Agusan del Sur.
Ang nasugatang parak ay kinilalang si PO1 Efren Castor na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng tiyan at taga sa kaliwang kamay na ngayon ay nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Davao Regional Hospital sa Tagum City.
Habang ang hinostage na pulis ay si PO3 Renato Mendez na kasama ni Castor na nagsisilbi ng warrant of arrest laban sa suspek na si Carmelito Davin.
Batay sa ulat, dakong alas-2:14 ng hapon nang magtungo sa lugar sina Castor at Mendez upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Davin na nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 705 o ang Forestry Reform Code of the Philippines.
Sa halip na sumuko ay agad pinaputukan ni Davin si Castor habang hinostage naman ng kasamahan nitong tinukoy sa alyas na Aying Esteban si PO3 Mendez.
Nakipagkoordinasyon ang mga tauhan ng Sta Josefa Municipal Police Station sa pakikipagkoordinasyon sa mga opisyal ng Barangay at Cafgu Active Auxiliary (CAA) at napalaya ang hostage na pulis.
- Latest