Zero ‘areas of concern’ sa Metro Manila sa filing ng COC
MANILA, Philippines – Walang nakikitang ‘areas of concern’ ang National Capital Regional Police Office sa Metro Manila sa unang araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy (COC) ng mga lokal at nasyunal na kandidato na nais tumakbo sa May 2016 national elections.
Sinabi kahapon ni P/Supt. Kimberly Molitas, tagapagsalita ng NCRPO na wala pang ipinalalabas na alert status si NCRPO Director P/Chief Supt. Joel Pagdilao subalit inaasahan na itataas ito sa heightened alert status.
Dapat din umanong palagiang nakahanda ang pulisya sa lahat ng panig sa Kamaynilaan para sa agarang pagresponde.
Hahayaan umano nila ang mga station commanders na magdetermina sa estado ng seguridad sa kanilang nasasakupan at sila na rin ang magdedesisyon kung saan maglalatag ng mga checkpoint na palagian namang ginagawa.
Ang mga presinto rin ang nakakaalam kung saan mataas ang antas ng kriminalidad sa kanilang nasasakupan kaya inaasahan ang karampatang aksyon kaugnay ng pagdagsa ng mga kandidato sa Commission on Elections (Comelec).
Sa kabila nito, inaasahan naman na magdaragdag ng tauhan sa mga tanggapan ng Comelec para sa nakagawiang pagbibigay ng seguridad hindi lamang sa mga kandidato maging sa mga posibleng kasamang mga tagasuporta na maaaring magkabanggaan kung magkakasabay-sabay sa pagsusumite ng COCs simula Oktubre 12 hanggang 16.
- Latest