Sahod ng guro itataas ni VP Binay
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar C. Binay ang planong itaas ang kapakanan ng mga guro kabilang ang pagtaas ng kanilang mga sahod kung palarin na ito ay manalo bilang pangulo ng bansa sa 2016.
Sinabi ni Joey Salgado, media affairs head for the Office of the Vice President na sakaling manalo bilang Pangulo si Binay ay agad nitong ipapatalakay sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na isama ang mga panukalang batas na nagsusulong na maitaas ang sahod, benepisyo ng mga guro upang sa ganun ay wala nang mga guro na iiwan ang kanilang propesyon at magtrabaho sa ibang bansa.
Nabatid na huling nakatanggap ng taas ng suweldo ang mga guro noong pang 2012.
“We are looking at adjusting the salary of a Teacher 1 from the salary Grade 11 (P18,549) to at least salary Grade 19 (P33,859),” ani Salgado.
Sinabi ni Salgado na nais din ni Binay na taasan ang instructional materials allowance sa mga guro, study grants para sa kanilang mga anak, tax exemptions para sa karagdagang benepisyo na ibinibigay na sa kanila, at funeral assistance sa pamamagitan ng diskuwento sa burial services.
Plano pa ng Bise Presidente na magbigay sa mga pampublikong guro ng “study leave with pay” upang maitaas ang antas ng kanilang kaalaman at teaching skills o kakayahan sa pagtuturo.
Ito umano ang dahilan kung bakit isinusulong ng Bise Presidente na magkaroon ng 20 porsyentong taas sa share ng education budget upang ganap na maipatupad.
Nalungkot si Binay sa mga hinaing ng mga guro na nabibigyan lamang ng kakarampot na sahod na P10,000 kada buwan kaya papilitang mangibang-bansa kaya kapag nahalal na pangulo ay gagawin niya itong P30,000 kada buwan.
- Latest