2 kidnaper sa Samal Island, tiklo
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga otoridad ang dalawang pinaghihinalaang suspek sa pagdukot sa tatlong banyaga at isang Pinay sa Island Garden City of Samal noong Setyembre 21 sa isang operasyon sa Davao City.
Inihayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isang panayam sa telebisyon ang pagkakaaresto sa dalawang suspek sa pagdukot kina Kjartan Sekkingstad, Norwegian, may-ari ng Holiday Oceanview Resort; dalawang Canadian na sina Robert Hall at John Ridsdel gayundin ang Pinay na si Maritess Flor.
Ayon kay Duterte ang mga kidnaper ay may ugnayan umano sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu na siyang may hawak ngayon sa mga bihag.
Maging ang isang opisyal ng PNP ay nagsabi na hawak na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Davao ang dalawang suspek na hinihinalang sangkot sa Samal kidnapping.
Nasakote ang dalawang suspek noong Oktubre 4 ng gabi sa operasyon sa Davao City kung saan isa sa mga ito ay may warrant of arrest sa kasong murder, kidnapping at illegal possession of firearm.
Ayon kay Chief Supt. Federico Dulay, Commander ng Special Investigation Task Group (SITG) Oceanview, nakatulong ng malaki sa pagtukoy sa mga suspek ang nakuhang CCTV footage sa Holiday Oceanview Resort.
Tumanggi ang opisyal na tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek dahilan sa may isinasagawa pa silang followup operation.
- Latest