Mga sangkot sa pyramiding scam, inisnab ang NBI
MANILA, Philippines - Muling nagbabala si National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division chief Atty. Dante Jacinto sa pyramiding scam ng AlphaNetworld Corporation matapos hindi sumipot ang opisyales nito sa dalawang subpoena na ipinadala ng kawanihan.
Nabatid na hinamon na lamang sa social media ng mga opisyal ng AlphaNetworld na sina Juluis Allan Nolasco, Josarah L. Nolasco at Arthur Macogay Jr. ang NBI na kasuhan na lamang sila dahil legal ang kanilang negosyo.
Inireklamo sila sa NBI ni Emmanuel Estrella kasama ang iba pang nabiktima ng pyramiding scam pero hindi sumipot ang AlphaNetworld officials nang ipatawag nitong Setyembre 1 at 8 at hinamon si Jacinto na ihabla na lamang sila sa korte.
Ayon kay Estrella, bawat pioneering share ng AlphaNetworld ay nagkakahalagang P12,800 at naengganyo siya dahil may alok na health products. Ngunit walang ibinigay na produkto sa kanya ang kompanya at hindi na niya mabawi ang kanyang pera dahil pinalagda siya sa waiver at quitclaim.
Nabatid na ginagamit umano ni Nolasco at ng iba pa niyang kasabwat ang kanilang FB accounts upang makaengganyo ng mga mare-recruit sa pyramiding scam na pinagpapasok ng pera sa kanilang bank accounts kapalit ng pangakong doble-dobleng tubo.
- Latest