Bonus proposal ni Mayor Binay aprub sa konseho
MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Makati Acting Vice Mayor Leonardo Magpantay ang pag-aprub ng Konseho ng Makati sa ordinansa na Productivity Enhancement Incentive (PEI) o bonus na aabot sa P131 milyon na para sa kwalipikadong kawani na katumbas ng isang buwang sahod.
Pinasasalamatan ni Magpantay, si suspended Mayor Junjun Binay dahil alam ng lahat na ito ang nagpursige sa pagbibigay ng bonus sa mga kawani kaugnay sa naipasang Executive Order No. 181.
Ayon pa kay Magpantay na kaagahan pa lang ng buwan ng Mayo ay inatasan na ni Mayor Binay ang City Council na pag-aralan ang proposal sa pagbibigay ng bonus sa mga kuwalipikadong kawani ng city hall sa ilalim ng EO 181.
Ang lahat ng regular, casual at contractual city government workers na mahigit sa apat na buwan nang nagtatrabaho simula ng Mayo 31, 2015 ay makakatanggap ng bonus.
Sa sesyon noong Martes,iprinotesta ni Konsehal Nemesio “King” Yabut Jr. sa kanyang privilege speech ang mga intriga at haka-haka na iniinda ng konseho ng lungsod mula noong Hulyo nang manungkulan sa puwesto si Acting Mayor Romulo Pena pagkaraang bumaba si Mayor Binay.
Binanggit niya ang mga taliwas na pahayag at aksyon ni Pena na sumasagka sa pagpapatibay ng konseho sa P131-million PEI appropriation ordinance.
- Latest