Columnist sa Ilocos Norte, nilikida
MANILA, Philippines – Napaslang ang 52-anyos na kolumnista ng lokal na pahayagan matapos itong pagbabarilin ng nag-iisang lalaki sa loob ng convenience store sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Albert Ocon, director ng Ilocos Norte PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Steve Bareirro, kolumnista sa Ilocos Times at miyembro ng Rotary Club Chapter sa nasabing lalawigan.
Bandang alas-10 ng gabi naganap ang krimen sa loob ng Ploy’s Tambayan Convenience Store sa Brgy. Poblacion 2.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nasa loob ng convenience store ang biktima kasama ang anak nitong si Maria Stephany nang lapitan at ratratin ng suspek na si Oliver Doctor.
Hindi naman sinaktan ang anak na babae ng biktima.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na si Doctor ay dating asawa ng ka-live-in ni Bareirro na si Criselda Aguinaldo.
Nabatid din na sina Bareirro at Doctor ay nagkakainitan sa tuwing magkru-krus ang landas.
Sa pahayag ng mga kasamahan sa hanapbuhay ng biktima na hindi na umano gaanong aktibo sa pamamahayag si Bareirro.
Samantala, bukod sa anak na babae ay naging saksi sa krimen ang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa loob ng nasabing tindahan.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 9mm pistol habang pinaghahanap na ng pulisya ang suspek.
Sinisilip ang anggulong matagal ng alitan ng dalawa kaugnay ng posibleng love triangle pero kasalukuyan pa itong kinukumpirma.
- Latest