Magnanay dedo sa amok
MANILA, Philippines - Isang 28-anyos na nanay at anak nitong 7-anyos ang nasawi habang tatlo ang nasugatan matapos na sila ay pagtatagain ng isang lalaki na nag-amok kahapon ng umaga sa bayan ng Sto. Tomas, lalawigan ng Batangas.
Kinilala ni Senior Superintendent Omega Jireh Fidel, Batangas police director, ang mag-ina na sina Mary Rose Señeres at anak na si Din-Din, kapwa residente ng Kalye Eres, Barangay San Bartolome na pawang nagtamo ng mga taga sa kanilang mga leeg na halos maputol ito.
Nasugatan naman sina Narciso Evangelista, live in partner ni Señeres; at magkapatid na Ryan Evardone, 32; at Randy Evardone, 38 na pawang nakatira sa nasabing barangay.
Ang suspek na agad nadakip ay kinilalang si Eric Evangelista, 24, utol ni Narciso na nakakulong na sa Sto. Tomas police station.
Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga ay patungo ang mag-ina sa bahay ng suspek na naka babatang kapatid ni Narciso para doon maligo.
Pagdating doon ay nadatnan ng mag-ina na lasing si Eric at walang kadahilanan na pagtatagain ng jungle bolo.
Nagtangkang awatin ni Narciso ang kapatid, subalit maging siya ay tinaga sa leeg at kahit na may tama ay nagawa nitong makatakbo para makaiwas sa taga.
Nang hinahabol ni Eric si Narciso ay nasalubong nito ang magkapatid na Evardone at pinagtataga rin ito.
Kahit na sugatan ang magkapatid na Evardone ay kanilang pinagtulungan na daluhungin ang suspek at nakuha sa kamay nito ang itak na ginamit at dinala sa himpilan ng pulisya.
Ang suspek ay kinasuhan ng double murder at frustrated murder sa piskalya.
- Latest