Local autonomy hindi BBL ang solusyon
MANILA, Philippines – Hindi ang kuwestiyonableng Bangsamoro Basic Law (BBL) ang magdudulot ng katahimikan sa Mindanao na matagal nang winawasak ng digmaan kundi ang local autonomy.
Ito ang iginiit ni dating Secretary of Interior and Local Government Rafael M. Alunan III matapos na makasalamuha ang iba’t ibang sektor sa kanyang pag-iikot sa Central Mindanao at nakuha niyang obserbasyon mula sa mga sentimyento ng mga tao na tutol sila sa BBL sa maraming kadahilanan.
Kinontra ng dating kalihim ng DILG noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos ang mga idineklara ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa pagsasagawa ng BBL.
“Kabaligtaran ito sa sinabi ng pamahalaan na nagsagawa sila ng ekstensibong konsultasyon sa mga tao na hindi naman dahil maraming mga sektor ang hindi nakapanayam at eksklusibo lamang ito sa MILF. Mismong sa loob ng Muslim community, duda rin sila sa MILF bunsod ng maraming dahilan. Sa MILF pa lamang, hindi lahat ng miyembro ay kinonsulta ng gobyerno,” paglalahad ni Alunan.
Ayon pa kay Alunan, sina Iqbal at Murad lamang ang kinausap ng pamahalaan at initsapuwera nila ang ibang sektor ng MILF. At magpahanggang ngayon, aniya, nakikita pa rin na may kaugnayan sa Al Qaeda ang MILF.
- Latest