Pulis, sundalo nagtalo sa checkpoint: 3 todas
MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang dalawang pulis habang namatay habang ginagamot sa ospital ang isang tauhan ng Philippine Marines nang magbarilan ang mga ito sa checkpoint kaugnay sa ipinatutupad na security operations kamakalawa sa bisinidad ng pamilihang bayan ng Labuan, Zamboanga City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina PO1 Muhsin Jainul at PO3 Alkashmir Lipae; pawang miyembro ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) 9 at Corporal Jason Marqueses, kasapi naman ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9. Habang isang balut vendor ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala.
Sa ulat na tinanggap ni Supt. Ariel Huesca, Chief ng RPSB ng Zamboanga City Police, bago nangyari ang barilan dakong alas-7:30 ng gabi ay nagpatupad ng security operations sa baybayin ng Brgy. Labuan ng lungsod ang mga tauhan ng MBLT 9 at ng RPSB ng Zamboanga City Police.
Dito ay biglang dumating sina PO1 Jainul at PO3 Lipae na isa rito ay nakakumpletong uniporme at pawang armado ng M16 rifles at cal. 45 pistol at cal 9 MM.
Bigla na lamang umanong nakairingan nina PO1 Jainul at PO3 Lipae ang grupo ng Philippine Marines kaugnay ng isyu ng pagpapatupad ng security operations sa lugar at ilang sandali ay nagbarilan na ang mga ito.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang kasong ito at inaalam na rin ang pinag-ugatan nang iringan at kung sino ang nag-umpisa ng barilan sa dalawang puwersa.
- Latest