NTC bubusisiin ang bilis ng internet
MANILA, Philippines – Magsasagawa ng test sa speed ng mga internet service providers sa susunod na buwan ang National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ang sinabi kahapon ng kinatawan ng NTC sa pagdinig sa Senado at kanila rin aalamin kung totoo ang bilis ng internet ng mga internet service providers (ISPs) sa ini-a-advertise nila base na rin sa bagong ipinalabas na memorandum circular.
Ayon kay NTC Director Edgardo Cabarios, base sa circular, dapat ipalathala ang bilis ng internet kada buwan at dapat magsagawa ng testing o measurement tuwing ikalawang linggo.
“We will start here in Metro Manila, we will have a pilot test by second week of September. Sa October yung start ng official test,” pahayag ni Cabarios sa Senate committee on trade, commerce, and entrepreneurship na pinamumunuan ni Senator Bam Aquino.
Tiniyak rin ni Cabarios na gagawin ang testing sa buong bansa kung saan mayroon silang 15 regional offices.
Sa ilalim ng NTC MC 07-08-2015, ang mga ISPs na mayroon lamang minimum speed na hindi bababa sa 256 kbps ay hindi dapat mag advertise na sila ay mga “broadband” providers.
- Latest