Enrile pinayagang magpiyansa
MANILA, Philippines – Pinayagan ng Korte Suprema si Sen. Juan Ponce-Enrile na makapagpiyansa sa kinakaharap nitong kasong plunder kaugnay ng multi-bilyong pork barrel scam.
Sa botong 8-4, pinaboran ng mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang P1 milyong piyansa kapalit ng pansamantalang kalayaan ng senador.
Bukod sa argumentong mahina ang mga ebidensya laban sa kanya, iginiit ng batikang pulitiko na matanda na siya at may sakit pa.
Kabilang sa mga mahistrado na tumutol sa pansamantalang pagpapalaya kay Enrile ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justices Antonio Carpio, Estela Perlas-Bernabe, at Marvic Leonen.
Masaya naman ang pamilya ni Enrile sa naging desisyon ng Supreme Court.
Ayon sa anak nitong si Katrina, excited na silang makasama ang ama sa bahay.
Sa pahayag naman ng abogado ni Enrile na si Joseph Sagandoy, sinabi nitong agad nilang babayaran ang piyansa para makalabas na ng detention facility ang senador na kasalukuyang nadetine sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Naghain ng bail petition si Enrile, 91, noong Setyembre 4, 2014, kung saan sinabi nito na dapat lamang siyang makapagpiyansa dahil na rin sa kanyang edad at kusa siyang sumuko sa Sandiganbayan anti-graft court.
Kaugnay nito, sinabi ni Senate President Franklin Drilon na iginagalang nila ang desisyon ng SC at susunod sa pagpapatupad ng lahat ng desisyon kaya’t maaari nang bumalik sa Senado si Enrile.
Bukod kay Enrile nahaharap din sa kasong graft at plunder dahil sa paggamit ng pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) sina Ramon Bong Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na umaasa rin na mabigyan ng pagkakataon na makalaya upang magampanan ang trabaho sa Senado.
- Latest