Carnapping namayagpag pa
MANILA, Philippines – Sa kabila ng pinalakas na anti-crime campaign na Oplan Lambat Sibat, inamin kahapon ng PNP-Highway Patrol Group na tumaas pa ang datos ng mga nakawan ng sasakyan sa bansa partikular na ang nakawan sa mga motorsiklo.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni P/Supt. Oliver Tanseco, spokesman ng PNP-HPG, base sa rekord mula Enero hanggang Hunyo 2015 ay aabot sa 586 sasakyan ang ninakaw mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Umaabot naman sa 4,881 motorsiklo ang ninakaw na naitala ng PNP-HPG.
“It is higher compared to last year, but there has been significant results in the arrest of carnappers,” pahayag ni Tanseco.
Sa tala ng PNP-HPG sa kabuuan ng nakalipas na 2014 ay nasa 843 sasakyan ang ninakaw habang nasa 8,515 motorsiklo ang nasikwat.
Base sa record, ang National Capital Region ang may pinakamataas na insidente ng nakawan ng sasakyan na umabot na sa kabuuang 371 habang pangalawa ang CALABARZON na may 82; Central Luzon, 55; MIMAROPA at Region XIII ang nakapagtala ng pinakamababang bilang.
Gayon pa man para matugunan ang tumataas na insidente ng carnapping sa bansa, inilunsad kahapon ng PNP-HPG ang Project Kotse Mo I-Click Mo sa pamamagitan ng social networking site ng facebook.
Ayon kay Tanseco sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga biktima ng carnapping na mahanap ang kanilang sasakyang kinulimbat ng sindikato.
Maaring bisitahin ang facebook account ng PNP-HPG kaugnay sa mga narekober at nai-impound na sasakyan.
- Latest