PDAF scam batch 3 kinasuhan na sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Isinampa na kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang 3rd batch na sangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na pawang kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino nang dalhin kahapon ang kahon-kahong dokumento.
Sa Executive Summary ng reklamo, nakitaan umano ng sapat na ebidensya ng NBI para sampahan sa Ombudsman ng kasong malversation, direct bribery at paglabag sa graft and corrupt practices act sina TESDA Director General at dating CIBAC Partylist Rep. Joel Villanueva; Senador Gregorio Honasan; Manila Rep. Amado Bagatsing; dating Abono Partylist Rep. Conrado Estrella III; dating Abono Partylist Raymund Estrella; dating La Union Rep Manuel Ortega; La Union Rep. Victor Francisco Ortega; dating Zamboanga Del Sur Rep Isidro Real, Jr. at Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez.
Sa imbestigasyon ng NBI ay nakatanggap umano ng kickback mula kay Napoles sina Villanueva-P2,330,000.00; Honasan-P1,750,000; Bagatsing-P600,000; Conrado Estrella-P45,030,000; Robert Raymund Estrella-P22,675,000;Manuel Ortega- P14,350,000; Victor Ortega-P9,587,500; Isidro Real-P3,250,000; at Rodriguez-P2,099,000.
Ayon pa sa NBI, ang mga nasabing kasalukuyan at dating mambabatas ay posibleng nakagawa ng malversation of public fund through negligence.
Inirekomenda ng NBIsa Ombudsman na ang mga nabanggit na pangalan ay maisalang sa fact finding investigation o di kaya ay preliminary investigation para matukoy kung may probable cause para sila ay sampahan ng reklamo sa Sandiganbayan.
Kasama rin sa reklamo ng NBI si Janet Napoles, pati na ang mga staff ng mga mambabatas na umakto nilang kinatawan sa pakikipagtransaksyon kay Napoles, gayundin ang mga presidente ng NGO na konektado kay Napoles partikular na ang Countrywide Agri and Rural Economic and Devt Foundation at Philippine Social Devt Foundation.
Inireklamo rin maging ang mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno kabilang na NABCOR, TRC AT NLDC na ginamit para maisakatuparan ang PDAF scam operations.
Nabatid na lima mula sa siyam na personalidad sa ikatlong batch ng PDAF scam ang nagpa-eksamen ng kanilang lagda sa QDD ng NBI.
Sa ginawang pagsusuri ng QDD na hindi tumugma sa specimen signatures nina Villanueva, Conrado Estrella, Rodriguez at Victor Francisco Ortega ang pirma na nakita sa ilang mga dokumento sa PDAF habang patuloy pang inieksamen ang lagda ni Bagatsing.
- Latest