Guwardiya utas, trader sugatan sa holdap
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang security guard habang nasugatan isang trader nang pagbabarilin ng isa sa dalawang holdaper na naganap kahapon ng madaling araw.
Ang nasawi ay kinilalang si Aludio Poliran, 52, at residente sa Bagong Silang Caloocan City at ang nasugatan ay si Enrico Lim, 38, may-asawa, trader ng Barangay San Antonio sa lungsod.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspek na armado ng M-16 rifle baby armalite at .9mm pistola.
Batay sa ulat, alas-3:50 ng madaling araw sa harap ng E-Games na matatagpuan sa no. 108 Quezon Avenue, kanto ng Dr. Garcia Brgy. Paligsahan ay lumabas si Lim at pasakay ng kanyang kulay puting Toyota Land Cruiser (PEI-116) model 2010 nang biglang sumulpot ang sasakyan ng mga suspek.
Lumabas ang dalawang suspek sa kanilang sasakyan at tinutukan si Lim at sumakay sa sasakyan nito.
Nanlaban at ang biktima at nagtatakbo papasok sa nasabing establisyimento na binabantayan ni Poliran.
Nang akmang hahabol ang mga suspek ay sinita sila ni Poliran kayat binaril siya maging si Lim.
Nang bumulagta ang mga biktima ay tinangay ng mga suspek ang sasakyan ni Lim.
Nasawi noon din si Poliran habang nasugatan si Lim na isinugod sa Capitol Medical Center.
- Latest