Rolbak sa presyo ng petrolyo, aarangkada uli
MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa napipintong panibagong rolbak sa presyo ng langis na gamit ng mga motorista sa darating na linggo habang nauna na ang pagbaba ng cooking gas.
Sa estima ng mga eksperto, posibleng nasa pagitan ng P.90 hanggang P1.05 kada litro ang maaaring ibaba ng diesel, P.40 hanggang P.60 kada litro ng gasolina habang P.70 hanggang P.90 sa kerosene ang maaaring ibaba.
Mula noong Hunyo 23, umabot na sa P3.50 kada litro ng diesel at lagpas sa P3 kada litro ng gasolina na ang natatapyas sa sunud-sunod na rolbak na ibinabase sa presyuhan ng langis sa pandaigdig na merkado.
Samantala, una nang nagtapyas sa presyo ng liquified petroleum gas (LPG) ang mga kumpanya ng langis noong Sabado.
Nasa P1.20 kada kilo ng Petron ang tinapyas sa kanilang Gasul at Fiesta Gas habang aabot naman sa P.67 sa kada litro ng kanilang auto-LPG.
Nagtapyas naman ang Pilipinas Shell ng P1.30 kada litro sa Liquigaz at P1.12 kada kilo ng Solane habang ang Eastern Petroleum ay nagbaba ng P1.10 kada kilo ng auto-LPG at P12.10 kada kilo ng cooking gas.
- Latest