4 sinalvage sa Cavite
MANILA, Philippines – Hinihinalang biktima ng summary execution o salvage ang apat na bangkay ng lalaki na natagpuan ng mga otoridad sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite, kamakalawa.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang unang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa Brgy. Pangil-Limbon sa hangganan ng mga bayan ng Indang at Amadeo ng lalawigan.
Nakasuot ang isa ng kulay abong short, kulay pulang t-shirt, kulay pulang jacket na tinatayang nagkakaedad 20 hanggang 24, may taas na 5’2” at katamtaman ang pangangatawan.
Habang ang isa ay nakasuot naman ng kulay pulang short at kulay abong t-shirt na tinatayang nasa pagitan ng 15-17-anyos, may taas na 4’8” at katamtaman ang pangangatawan na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa ulo at may mga bakas rin sakal sa leeg bukod pa sa ibang mga sugat na sanhi ng hampas ng matigas na bagay sa katawan.
Dakong alas-7:00 naman ng umaga nang matagpuan ang dalawa pang lalaking sinalvage sa kahabaan ng Daang Hari Road, Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City.
Isa sa mga biktima ay tinatayang nasa 50-anyos, may taas na 5’6” hanggang 5’7”, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng kulay berdeng brief habang ang isa pa ay tinataya namang nasa 45-anyos, may taas na 5’2” hanggang 5’3”, katamtaman ang katawan at nakasuot naman ng kulay asul na brief at pawang nakabalot ng kulay asul na tela.
Hinala ng pulisya na sa ibang lugar pinatay ang mga biktima at saka itinapon sa mga nasabing lugar upang ilihis ang imbestigasyon ng mga otoridad.
- Latest