Roxas pormal nang i-eendorso ni P-Noy bilang LP standard bearer
MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Caloocan City Rep. Egay Erice na i-eendorso na ni Pangulong Noynoy Aquino si DILG Secretary Mar Roxas para maging manok ng Liberal Party sa 2016 presidential elections.
“Wala namang duda na iisang puso’t diwa at direksyon ng pangulo at ng partido na wala nang ibang kuwalipikado na ituloy ang mga nagawa ng administrasyong ito ay walang iba kundi ang kanyang co-pilot na si Secretary Mar Roxas,” sabi ni Erice.
Anya, naniniwala ang administrasyon na taglay ni Roxas ang kakayahan, puso at integridad upang ituloy ang magandang sinimulan ng Daang Matuwid.
Kinumpirma rin ni Liberal Party (LP) Secretary General at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na ieendorso sa Biyernes ng Pangulo si Roxas bilang standard bearer ng partido.
Ayon kay Sarmiento, pormal ng i-eendorso si Roxas ni Aquino bilang standard bearer ng LP sa Club Filipino sa San Juan, Hulyo 31 dakong alas-9:30 ng umaga.
Sa Club Filipino nanumpa ang ina ni P-Noy na si yumaong Pangulong Cory Aquino bilang pangulo at doon din ginawa ni Mar ang pagsasakripisyo upang mabigay-daan kay Pangulong Aquino na noon ay senador upang tumakbong pangulo noong 2010.
Nabatid na umugong ang pangalan ni Roxas pagkatapos ang papuring ibinigay ni P-Noy noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) at sinabi pa nito na hindi tinigilan ng kanyang kalaban dahil sa alam nila na may ibubuga ito.
- Latest