Nagsaway sa maingay, pinatay
MANILA, Philippines - Kamatayan ang naging resulta sa ginawang pagsaway ng isang 27-anyos na lalaki sa mga maiingay na lalaking nag-iinuman sa tapat ng inuupahan nitong apartment matapos na siya ay saksakin sa dibdib ng isa dito kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ang nasawi ay kinilalang si Leomar Addun, 27, ng #2102 Antipolo St., ng naturang lungsod.
Ang suspek na tumakas ay kinilalang si McJule O. Laddaran, nasa hustong gulang, tubong Pandi, Bulacan at construction worker sa DDT Construction, Inc.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen sa tapat ng bahay ng biktima sa naturang lugar ay maingay na nag-iinuman ang suspek at grupo nito.
Kaya’t sinaway ito ng biktima dahil nakakaistorbo sila sa mga natutulog.
Hindi nagustuhan ng suspek ang pagsaway ng biktima kung kaya’t nagkaroon nang mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa dibdib.
Mabilis na tumakas ang suspek at ang biktima ay dinala ng kapitbahay sa ospital, subalit hindi na ito nakarating ng buhay.
- Latest