3 sundalo todas, 13 sugatan sa ambush
MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong sundalo habang 13 pa ang nasugatan makaraang pasabugan ng landmine at paulanan ng bala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kanilang convoy sa madugong pananambang sa highway ng Brgy. Apatan, Pinukpuk, Kalinga kamakalawa ng gabi.
Ang mga nasawing sundalo ay kinilalang sina Sgt. Daryl Amiling, Pfc Benjie Paliw at Pfc Bryan Massagan.
Ang mga nasugatan na isinugod sa Kalinga Provincial Hospital ay nakilala namang sina Corporal Diony Pataksil, Cpl Randel Villadulid, Pfc Henry Coloma, Pfc Ryan Guerrero, Pfc Dante Mauricio, Pfc Lunes Ambatang, Pfc Richard Bartolome, Pfc John Mark Carig, Pfc Gilbert Ramirez, Pfc Ernesto Roque Jr, Pfc Jose Gayudan Jr. at Pfc Jomar Gammad.
Batay sa ulat, bandang alas-11:20 ng gabi ay kasalukuyang bumabagtas ang sinasakyang military vehicle ng pawang miyembro ng 5th Division Reconnaissance Company sa lugar nang pasabugan ng landmine ng NPA rebels at kasunod nito ay pagpapaulan ng bala ng tinatayang nasa 30 armadong rebelde ang convoy ng tatlong military trucks na sinasakyan ng mga sundalo.
Sa lakas nang pagsabog ay tuluyang nawasak ang isa sa tatlong military trucks kung saan ang pagsabog ay nasundan pa ng 30 minutong pagpapaulan ng bala ng mga rebelde.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan hanggang sa magsitakas ang mga rebelde patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Magugunita na ang Kalinga ay idineklara na ng AFP na insurgency free noong 2010.
- Latest