Mga kawatan dumadagsa sa Visita Iglesia
MANILA, Philippines – Maging ang panahon ng pagtitika sa kasalanan ay sinasamantala ng mga kawatan dahil sa posibleng pagdagsa ng mga mandurukot, bag slasher at salisi sa loob ng mga Simbahang Katoliko kaugnay ng Visita Iglesia partikular sa Metro Manila.
Kaya nagbabala kahapon si Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., na dapat mag-ingat ang mga deboto dahil ito ang panahon na sinasamantala ng mga kriminal na walang pinipiling lugar o panahon sa paghahanap ng mga mabibiktima.
Sa record ng PNP, karaniwan ng tumataas ang mga nasabing krimen tuwing Semana Santa kaya’t kabilang sa mga prayoridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapalakas ng police visibility sa mga pamosong simbahan sa Metro Manila.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ay ang Minor Basilica de Nazareno sa Quiapo; Manila Cathedral sa Intramuros; St. Jude sa Mendiola; Our Lady of Loreto at Saint Anthony Shrine sa Bustillos, Sampaloc; Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran; Sta Cruz Church; Sto. Domingo Church sa Quezon City at iba pa.
Gayundin sa mga dinarayong simbahan sa mga kanugnog na lugar sa Metro Manila tulad ng Our Lady of Peace sa Antipolo City.
- Latest