Ina, 2 anak natupok sa sunog
MANILA, Philippines - Labing-anim na bahay ang nilamon ng apoy sa Quezon City at Parañaque City habang tatlong kabahayan sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay na ikinasawi ng isang ina at dalawa nitong anak na babaing paslit naganap kahapon.
Sa Zamboanga Sibugay nasawi ang mag-iina nang makulong sa nasusunog nilang bahay na matatagpuan sa Purok Amelita, Brgy. Ipil Heights, Ipil ng lalawigang ito.
Kasalukuyan pang inaalam ang pangalan ng mga nasawing mag-iina.
Batay sa ulat, dakong alas-2:41 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Liezel Obida na mabilis kumalat sa dalawang katabing bahay kabilang ang bahay ng mag-iina.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero at naapula ang sunog bandang alas-4:00 ng madaling araw at narekober ang mga sunog na bangkay ng mag-iina.
Tinatayang aabot sa P1.1 M ang pinsala sa naganap na sunog.
Sa Quezon City, anim na bahay ang naabo at tatlo katao ang nasugatan dulot umano ng napabayaang nakasaksak na depektibong charger.
Sa ulat, ganap na alas-11:50 ng gabi nang magsimula umano ang sunog sa dalawang palapag ng bahay ng isang Tomas Lanuza, 60 na matatagpuan sa Doña Rosario St., Doña Rosario Subdivision, Brgy. Nova Proper sa lungsod.
Nasugatan si Tomas at dalawang miyembro ng kanyang pamilya na sina Steven Lanuza, 7, at Beth Lanuza, 32, makaraang tumalon mula sa itaas ng balkonahe ng kanilang bahay.
Mabilis kumalat ang apoy at nadamay ang mga katabing bahay na umabot sa ikalimang alarma bago tuluyang ideklara itong fire out ganap na alas-2:05 ng madaling araw.
Tinatayang aabot sa P150,000 ang halaga ng ari-ariang napinsala sa may 22 pamilyang naapektuhan ng nasabing sunog.
Nasa 10 kabahayan naman ang naabo sa naganap na sunog kahapon ng tanghali sa Parañaque City na kung saan ay nasugatan ang bumberong si FO1 Carlo Felisilda sa kanang kamay nang mabagsakan ng umaapoy na kahoy.
Sa ulat, alas-11:20 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Monica Abenales sa Barangay La Huerta ng naturang lungsod dahil sa nakasalang na rice cooker.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay at agad na itinaas sa Task Force Charlie ang alarma.
Halos dalawang oras ang itinagal nang sunog bago tuluyan naapula dakong ala-1:30 kahapon ng hapon.
Wala naman naiulat na nasawi sa naganap na sunog at patuloy pa rin nagsasagawa ng mupping operation ang mga kagawad ng pamatay sunog upang masigurong ligtas na ang naturang lugar.
- Latest