300 bus na may special permit lalarga sa Semana Santa
MANILA, Philippines - Nakapagpalabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 300 special permits para sa Metro Manila buses na papasada sa mga lalawigan sa nalalapit na Seamana Santa.
Ayon kay LTFRB Board Member Ronaldo Corpus, epektibong magagamit ang permit mula March 29 hanggang April 6 hanggang sa matapos ang pagdiriwang ng Semana Santa.
Karaniwan na anyang nagbibigay ng special permit ang LTFRB sa tuwing may mahahalagang okasyon sa bansa tulad ng Semana Santa na dagsa ang mga pasahero sa uuwi sa kani-kanilang probinsiya.
Kaugnay nito, binalaan ni Corpus ang mga van owners na walang franchise o mga colorum vehicles na magsasamantalang magsakay palabas at papasok ng Metro Manila sa Semana Santa.
Aabutin ng P120,000 ang penalty sa sinumang van owners na mahuhuling mangongolorum sa naturang okasyon.
Bukod dito, pinayuhan din ni Corpus ang mga passenger vehicle drivers na huwag maniningil ng pamasahe na mas mataas pa sa itinakdang minimum fare ng LTFRB dahil kapag sila ay nahuli, malamang makansela pa ang kanilang franchise.
- Latest