Imbestigasyon ng DOJ pinamamadali... pumatay sa SAF 44 panagutin
MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Senator Grace Poe sa Department of Justice (DOJ) na madaliin nito ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre upang panagutin ang mga pumatay sa 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) kahit na magkataliwas ang lumabas na findings ng Senado at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“Given the differing findings of fact, it is more imperative for the DOJ to expedite and finish its investigation, identify the culpable individuals, and prosecute them accordingly,” ani Poe, isang araw matapos isumite ng MILF sa Senado ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Subalit, pinuri ni Poe ang liderato ng MILF dahil sa pagkumpleto ng kanilang imbestigasyon at pagbibigay sa Senado ng kopya ng kanilang report na naiintindihan nila kung bakit magkaiba ang naging pananaw sa pagkamatay ng 44 SAF dahil magkaiba ang mga testigong napakinggan ng Senado at ng MILF.
Pero, nanindigan si Poe sa report ng kanyang komite na nilagdaan ng 20 senador.
Maaari naman aniyang magpasok ng amendments o pagbabago sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo.
Ang mahalaga aniya ay maipagpatuloy ang paghahanap sa katotohanan.
Sinabi naman ni Senator Vicente “Tito” Sotto na ang isinumiteng report ng MILF ukol sa Mamasapano massacre ay nagpapatunay na walang kontrol ang liderato nito sa kanilang mga fighters at sa mga armadong grupo.
Lumilitaw aniya na dapat ay sa ibang grupo na lang sa halip na sa MILF makipag-peace talks ang gobyerno.
Kinuwestiyon pa ni Sotto kung bakit pinag-initan pa ng MILF sa kanilang report ang survivor na si PO2 Christopher Lalan gayung ginawa lang niya ang lahat para makaligtas.
- Latest