SAF 44 ininsulto sa MILF report
MANILA, Philippines - Malaking kasinungalingan at pang-iinsulto sa kabayanihan ng nasawing 44 Special Action Force (SAF) troopers ang inilabas na report ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano encounter noong Enero 25.
Ito ang naging reaksyon kahapon ng ilang nakapanayam na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa resulta ng imbestigasyon ng MILF na sa halip na sa gobyerno ibigay ay sa Malaysia isinumite ang report kamakailan.
Ang bansang Malaysia ang facilitator sa peace talks na isinusulong ng pamahalaan sa hanay ng MILF.
Anya sa report na ginawang pananggalang ng elite forces ang mga nasawi nilang kasamahan kaya natadtad ng mga tama ng bala.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., na wala sa resulta ng forensic examination ng PNP Crime Laboratory na sumuri sa mga bangkay ng mga bayaning 44 SAF commandos.
“Wala namang findings na sinabi ang crime lab na nagsu-suggest na ginamit sila as human shield,” paglilinaw ni Cerbo sa press briefing sa Camp Crame.
Maging ang resulta ng imbestigasyon ng PNP-Board of Inquiry sa pamumuno ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ay wala ring ganitong findings.
Sa ipinalabas na resulta ng MILF sa ginawang imbestigasyon ng binuo ng mga itong Special Investigating Committee (SIC), sinasabing ginamit ng mga SAF troopers na pananggalang sa umaalingawngaw na mga bala ng bangkay ng kanilang mga kasamahan.
Magugunita na noong Enero 25 ay inilunsad ang Oplan Exodus upang hulihin ang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may reward na $5-M at ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman may patong namang sa ulong $2-M at dito ay napatay si Marwan.
Napaslang sa operasyon si Marwan na pinatunayan sa ipinalabas na resulta ng DND test ng Federal Bureau of Investigation (FBI) pero naging kapalit naman nito ang buhay ng 44 SAF commandos.
- Latest