Caloocan ex-solons na sabit sa PDAF scam, pinakakasuhan
MANILA, Philippines – Nanawagan ang Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) sa Office of the Ombudsman na sampahan ng kasong graft at malversation ang iba pang dating mambabatas ng Caloocan City na nakipagsabwatan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Kalookan Assistance Council, Inc. (KACI) sa maling paggamit ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, nakapagtatakang nakalista rin sina dating Caloocan Reps. Luis Asistio at Oscar Malapitan sa mga hinihinalang sumablay sa paggamit ng kanilang PDAF pero tanging si dating Rep. Mary Mitzi Cajayon ang kinasuhan sa paggamit ng pork barrel na nagkakahalaga lamang ng P10 milyon.
“Marami nang nakakulong sa mga mambabatas na mali ang paggamit sa PDAF pero bakit nakalulusot sina Asistio at Malapitan na alkalde na ngayon, gayong tig-P25 milyon ang halaga na kanilang inilaan sa KACI na isang pekeng NGO?” tanong ni Pineda.
Sa nasabi ring ulat, 2,045 lamang sa 7, 231 benepisyaryo ang rehistradong botante sa dalawang distrito ng Caloocan kaya malinaw na pineke ng KACI ang ibang nakalistang beneficiaries ng PDAF.
- Latest