MMDA sisilipin ang paggamit ng radyo ng mga UV Express
MANILA, Philippines – Nakatakdang pag-aralan ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang legalidad ng paggamit ng radyo ng mga tsuper ng mga UV Express na nagagamit sa pag-iwas sa panghuhuli ng mga otoridad laban sa mga kolorum o may iba pang paglabag.
Nakarating sa pamunuan ng MMDA ang sumbong ng ilang commutters na ginagamit ng mga tsuper ang kanilang mga radyo sa sasakyan para balaan ang mga kasamahan kung saang lugar nagkakaroon ng hulihan dahilan upang makaiwas na ang mga ito.
Ayon sa ilang commutters mula sa Cavite na ka-kontak ng mga tsuper ang isang lalaki na may codename na “Eagle Eye”sa Baclaran na siyang nagsasabi kung saan nakaabang ang mga MMDA at minsan ay LTO enforcers at minsan naman ay nagbibigay din ng instruction kung saan may pagsisikip ng trapiko at saan puwedeng dumaan.
Idinagdag pa ng ilang commutters na nakakatulong sana ang radyo upang makaiwas sa trapik, subalit nakakaistorbo rin umano sa kanila dahil hindi na sila nagkakarinigan sa sobrang lakas at posible din silang madisgrasya dahil laging nakahawak ang mga ito sa radyo na nagkukwentuhan na wala namang kabuluhan ang nasa kabilang linya.
Ayon sa MMDA, maaaring upuan ang naturang usapin kasama ang mga transport groups at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang malinawan kung tama ba ang pagkakaroon ng radyo sa UV Express.
- Latest