Sharia court judge pinabulagta
MANILA, Philippines - Tinarget ng bala ang isang hukom sa Sharia Circuit Court nang hindi pa nakilalang armadong salarin sa kapitolyo ng Jolo, Sulu nitong Huwebes ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Ibnohajar Puntukan, 63 at residente ng Barangay Alat, Jolo ng lalawigang ito at Presiding Judge ng 1st Sharia Court sa Jolo. Nagtamo ng tama ng bala sa katawan at dead-on-arrival ang biktima sa Sulu Provincial Hospital dakong alas-10:00 ng gabi.
Batay sa ulat ng Joint Task Force BASULTA (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi ) naganap ang insidente sa bisinidad ng Magno st., Barangay San Raymundo, Jolo ng lalawigang ito dakong alas–2:45 ng hapon. Bigla na lang umanong dumating ang mga di kilalang suspek at agad binaril ang biktima.
Mabilis naman na tumakas ang mga suspek at sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa kapitolyo. Una rito, ilang kalalakihan na umano ang nakitang umaaligid sa nasabing lugar at tila iniispiyahan ang biktima.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen upang maaresto at mapanagot sa batas ang salarin.
- Latest