MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang holdaper nang mabaril ng isang pulis na rumesponde nang holdapin nito ang isang babae kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ang nasawing suspek ay kinilalang si Jerome Gallado, 29, ng NIA Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod.Habang nakatakas ang isang kasama nito.
Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-9:00 ng gabi sa kahabaan ng EDSA-NIA Road ay naglalakad ang biktimang si Monica Soleil Mercado, 29, kawani ng Globe telecom sa may bahagi ng GMA MRT Station sa Brgy. South Triangle nang lapitan ng dalawang lalaki at nagdeklara ng holdap.
Nagkataon naman na nagpapatrulya si PO1 Valentino Asa na nakapansin sa komosyon kaya’t hinabol ang mga suspek.
Nang makalapit ang pulis ay pinaputukan ito ng isa sa mga suspek dahilan para gumanti ang una at tinamaan si Gallado.