500 bahay sa Pasig, gusali sa Quezon City, nasunog
MANILA, Philippines – Sinalubong ng dalawang magkahiwalay na sunog ang bisperas ng fire prevention month matapos na masunog ang 500 bahay sa Pasig City at 7 palapag ng isang gusali sa Quezon City kahapon.
Ayon sa Pasig Fire Department, dakong alas-8:55 ng umaga nang magsimula ang sunog sa inuupahang bahay ng isang Rina Dolor sa Bulante Dos, Brgy. Pinagbuhatan dahil sa napabayaan kalan na ginamit sa pagsaing.
Mabilis na kumalat sa mga kalapit na kalye na kung saan ay sumabog ang ilang tangke ng LPG na kung saan bago naideklarang fireout ay nahirapan ang mga bumberong kontrolin ang apoy dahil na rin sa malakas
na ihip ng hangin at kakulangan ng mapagkukuhanan ng tubig.
Sa Quezon City, habang ginagawa ang balitang ito ay nasa 13 oras na ang paglamon ng apoy sa isang 7 palapag na gusali na matatagpuan sa Araneta Avenue, Barangay Tatalon.
Sa ulat, dakong alas- 12:30 ng madaling araw kahapon nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng Gateway 2000 building na may mga nakaimbak na thinner at mga pintura.
Kahapon ng ala-1:30 ng hapon ay patuloy ang paglamon ng apoy sa nasabing gusali at nahihirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog dahil nakaimbak sa ikalawang palapag ay mga flammable na mga kemikal na gamit sa paggawa ng manikin at mga nakaimbak ding mga damit.
Kabilang din sa mga nakatambak ang mga auto supply sa ikatlong palapag, medical supplies sa ikaapat na palapag, at raw materials sa paggawa ng tsinelas tulad ng goma at plastic sa ikalima at ika-anim na palapag at ang ikapitong palapag ay penthouse ng may-ari ng gusali na nagngangalang Jobert Go.
Kinailangan pang maghalo ng kemikal na aqueous film forming foams (AFFF) sa tubig para mapababa ang temperatura ng gusali at patuloy na subukang mapatay ang apoy.
- Latest