Hepe ng PNP unit na bantay ni Bong, sinibak sa puwesto
MANILA, Philippines - Tinanggal kahapon sa puwesto ni Interior Secretary Mar Roxas ang hepe ng PNP Headquarters and Support Service (PNP-HSS) na si C/Supt. Albert Supapo na responsable sa pagbabantay ng tatlong senador na nakadetine sa Camp Crame sa kasong plunder.
Ang pagtanggal sa puwesto kay Supapo ay habang isinasagawa ang pagsisiyasat hinggil sa partisipasyon nito sa pagbisita ni Sen. Ramon “Bong” Revilla kay Sen. Juan Ponce-Enrile sa kaarawan nito noong Pebrero 14 nang walang pahintulot ng korte.
“Pinapa-imbestigahan ko kung paano yung detainees nakadalo sa salu-salo dito sa loob ng PNP (General Hospital). Nakita sa ating imbestigasyon na may mga hindi pagsunod ng patakaran ng PNP. Sa kadahilanang yun, pina-relieve natin ang mga kinauukulan at mga responsible sa lapses na ito,” sabi ni Roxas.
Giit ni Roxas, hindi dapat palampasin ng pamunuan ng PNP ang pagkukulang na ito sa parte ni Supapo dahil nagbibigay ito ng masamang imahe at halimbawa sa buong organisasyon.
“May mga kasama tayo sa PNP na isinakripisyo ang kanilang buhay. Eto, babantayan lang at gagawin lang kung ano reglamento, hindi pa magawa,” diin pa ni Roxas.
Sinabi ni Roxas na tungkulin ni Supapo at kanyang mga tauhan sa PNP-HSS na siguruhing nakakulong ang kanilang mga binabantayang detenido at hindi makakalabas sa selda nang walang pahintulot ng korte.
Ayon naman kay PNP OIC Leonardo Espina, inaasahang lalabas ngayong araw ang desisyon ng PNP unit na nag-iimbistiga sa insidente kung sinu-sino ang mga opisyal na dapat patawan ng kasong administratibo at kriminal.
Ibinulgar ni Dr. Raymond Santos, hepe ng emergency room ng PNP General Hospital, sa pulong balitaan na hindi nagpunta sa kanila si Sen. Revilla para magpasuri sa kanyang karamdaman.
- Latest