PMA alumni inisnab ni Purisima
MANILA, Philippines - Hindi dinaluhan kahapon ng nagbitiw sa tungkuling si dating Philippine National Police Chief P/Director General Alan Purisima ang ginanap na Alumni Homecoming ng mga Cavaliers ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort del Pilar, Baguio City.
Matapos na magparada ang mga nagsipagtapos na PMA ay kapansinpansin na wala si Purisima sa hanay ng PMA Dimalupig Class 1981 na may dala pang banner ng kanilang klase.
Ang parada ng PMA Class 1981 ay pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., at PNP Officer in Charge P/Deputy Director Leonardo Espina.
Naging usap-usapan sa mga cavaliers ang hindi pagdalo ni Purisima dahilan hindi naman ito pumapalya sa pagdalo sa Alumni Homecoming sa PMA noong hindi pa nasasangkot sa kontrobersya sa kaso ng Fallen 44 Special Action Force (SAF) commandos.
Si Purisima ang sinasabing namuno sa operasyon sa Oplan Exodus noong Enero 25 upang hulihin ang international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan na may reward na $5M at ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao. - Joy Cantos-
- Latest