MMDA constable dinakip sa pangongotong
MANILA, Philippines - Himas-rehas ang isang traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang ito ay arestuhin sa isang entrapment dahil sa pangongotong sa isang taxi driver naganap sa Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Niño Membrado, 38, may-asawa, at residente sa no. 38, E. Monte de Piedad St., Brgy. Immaculate Concepcion ng lungsod na inaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng QCPD Station 10, ito’y matapos humingi ng tulong ang dispatcher ng Jomalyn Taxi na si Reagan Formento hinggil sa pangongotong umano nito sa kanyang driver na si Ramil Clacio, 35.
Bago nangyari ang entrapment operation dakong alas-11:30 ng gabi sa may New York St., kanto ng Denver St., Brgy. Pinagkaisahan ay hinuli ng suspek dakong alas-11:00 ng gabi si Clacio dahil sa umano’y paglabag sa batas trapiko.
Dito ay hinihingian ng suspek si Clacio ng P6,000 para hindi matikitan, subalit tumawad ang huli na bumaba sa P2,500.
Tinawagan ni Clacio si Formento para ayusin ang hinihinging pera ng suspek. Dito na humingi ng tulong ang huli sa Station 10 na siyang nagsagawa ng entrapment operation at nang abutin ng suspek ang P2,500 na marked money kay Formento ay dito na ito inaresto.
- Latest