Pag-itsapuwera kina Roxas at Espina sablay- Lacson
MANILA, Philippines - Nilinaw ni dating Senador Panfilo Lacson na hindi totoong walang chain of command sa Philippine National Police at nilabag ito nina Pangulong Aquino at dating Chief PNP Alan Purisima nang ietsapuwera sina Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina sa pulong kaugnay sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Ani Lacson, kahit sibilyan ang karakter ng PNP ay mayroon itong chain of command na nalabag nang inilihim nina Aquino, Purisima at sinibak na PNP-Special Action Force (SAF) chief Director Getulio Napeñas kina Roxas at Espina ang operasyon sa Mamasapano nitong Enero 25.
Bago pumasok sa politika, naging Chief PNP si Lacson kaya nilinaw niya na sa ilalim ng chain of command ay may respeto hindi lamang nagmumula sa “bottom to top” kundi dapat sa “top to bottom.”
“Ang ibig sabihin nu’n kung ikaw ay commander in chief o Chief PNP, dapat na obserbahan at respetuhin mo rin ‘yung chain of command,” diin ni Lacson.
Magugunita na sa meeting sa Malacañang noong January 9 ay sina Aquino, Purisima at Napeñas lang ang nag-meeting at nagkaroon ng disrespect sa chain of command dahil kahit naroon si Gen. Purisima ay kailangang naroon din si Gen. Espina.”
“Wala namang masama sa pagkonsulta kay Purisima pero ang masama ay ang pag-etsapuwera kina Roxas at Espina na posibleng pinag-ugatan ng problema sa koordinasyon sa inilunsad na operasyon sa isang high-value target na si Marwan,” pagwawakas ni Lacson.
- Latest