‘Manananggal’ inutas ng sekyu
MANILA, Philippines – Pinagbabaril at napatay ng isang sekyu ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na hinala nitong nagnanakaw ng kawad ng kuryente sa binabantayang bodega na naganap kahapon ng umaga sa Mother Ignacia, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Namatay noon din ang biktima na inilarawan ng pulisya na nasa pagitan ng edad-30-35; may taas na 4’10; payat; nakasuot ng kulay itim na t-shirt at brown na short pants; may tattoo sa kanang braso ng mukha ng babae,“Tayan” at “Tokyo” sa sikmura at Bahala na Gang sa likod.
Ang suspek na inaresto ay kinilalang si Guillermo Calaw, 42, may-asawa, security guard ng Garment Tower Security Service Inc. at residente sa Tondo Maynila.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-11:06 ng umaga sa tabi ng bakanteng bodega ng Gypmsum na matatagpuan sa 947 Edsa Avenue, kanto ng Mother Ignacia, Brgy. South Triangle ay nanonood ang suspek ng palabas sa kanyang portable DVD nang mamamatay ang kuryente.
Kaya’t nagpasya ang suspek na magronda para alamin ang dahilan ng pagkawala ng kuryente hanggang sa matagpuan niya ang biktima na nakatayo malapit sa electric breaker na may hawak ng plais, cutter at improvised bolo.
Pinababa ng sekyu at binitbit ang biktima, pero sa halip na sumunod ay tinadyakan umano ng huli ang una dahilan para bunutin ang service firearm at pagbabarilin sa katawan ang biktima.
Rumesponde sa lugar ang mga miyembro ng barangay at inaresto ang sekyu.
- Latest