Abu patay, MILF fighter sugatan sa bakbakan
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) habang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) fighter ang sugatan nang magbakbakan sa Barangay Pamatsaken, Sumisip, Basilan kamakalawa.
Sa ulat ni 104th Infantry Brigade civil-military operations officer 1st Lt. Sally Magno na ang bakbakan ay nangyari ganap na alas-10:00 ng umaga nang makasagupa ng MILF contingents sa lugar ang tinatayang nasa 50 bandido mula sa grupo ng ASG leaders Radzmil Janatul alyas “Khubayb,”Juhaibel Almasirul alyas “Abu Kik,” at Pasil Bayali.
Agad na rumesponde ang mga tropa at armored units mula sa 64th Infantry Battalion na pinangungunahan ni Lt. Col. Raymund Recaido para tumulong sa mga MILF fighters.
Ang nasabing mga military units ay sinamahan ng miyembro ng MILF at ng Barangay Central chair na si Marjim M. Barillo.
Nang matunugan ang pagdating mga tropa, umatras ang mga bandidong ASG patungo sa direksyon ng Barangay Baiwas, Sumisip.
Nagsagawa nang pagtugis ang mga militar at puwersa ng MILF laban sa ASG na nagresulta sa pagkamatay ng isang bandido.
Nagawang makubkob ng mga tumutugis na mga sundalo at MILF ang kampo ng ASG sa Barangay Pamatsaken.
- Latest