Apo ng solon, tiklo sa shabu
MANILA, Philippines - Dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang drug operation ang umano’y apo ni Dasmariñas City Rep. Congressman Elpidio ‘Pidi’ Barzaga Jr., sa mismong bahay nito, sa Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni Atty. Eric Isidoro, hepe ng NBI-Anti Illegal Drugs Unit, ang inarestong suspek ay kinilalang si Harrel Gatus y Barzaga, 39-anyos at apat nitong kasama at nasamsam ang 9 plastic sachet ng shabu at paraphernalias.
Nabatid na ang ginawang pagsalakay ng mga NBI matapos na ireklamo ng mga kapitbahay nito ang gabi-gabing ingay at panggugulo ng grupo ng suspek na hinihinalang nakadroga.
Bitbit ang search warrant ay pinasok ang bahay ng suspek at naaktuhan na nagsasagawa ng shabu session ang mga ito.
Nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Samantala, naaresto naman ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bicol ang suspek na si Roque Ebete, 28-anyos ng Purok 5, Brgy Bonot, Legaspi City sa isang shabu buy bust operation kamakalawa ng alas-4:45 ng hapon. Hindi na nagawang makapalag ang suspek at nakuha sa kanyang pagiingat ang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000. - Ludy Bermudo, Francis Elevado-
- Latest