Purisima: Hindi ako nagmando ng Mamasapano operation
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ng nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) Chief P/Director na si General Alan Purisima na siya ang nagmando ng operasyon ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao kasunod ng pagkasawi ng 44 SAF troopers bunsod ng pagtugis sa international terrorist na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan at henchman nitong si Abdul Basit Usman.
Binasag ni Purisima ang katahimikan halos dalawang linggo nang mapaslang ang 44 SAF troopers noong Enero 25 matapos na lumutang ang pangalan nito sa isang pahayagan bilang nagmando ng operasyon.
Maging ang suspendidong si SAF Commander Getulio Napeñas din ang nagkumpirma na sa kasagsagan ng engkwentro ng SAF sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay direkta siyang nag-uulat sa noo’y suspendidong si Purisima.
Kinumpirma ni Purisima na alam niya ang plano laban kay Marwan lalo’t nabuo ito bago pa ipalabas ng Ombudsman ang suspensiyon laban sa kanya.
Tiniyak naman ni Purisima ang pagdalo sa pagdinig ng Senado na nakatakda ngayong Lunes, (Pebrero 9.) - Joy Cantos-
- Latest