Purisima pinapaharap ng senado sa isyu ng ‘Fallen 44’
MANILA, Philippines – Kaugnay sa pagkasawi ng 44 na SAF members sa engkwentro nito noong Enero 25 sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao ay pinapaharap sa Senado ang suspendidong si PNP chief Gen. Alan Purisima para sa isasagawang imbestigasyon.
Ayon kay Sen. Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kasama ang Senate Committee on Peace, Unification and Reconciliation, dapat humarap si Purisima sa isasagawang imbestigasyon sa Pebrero 4 matapos madawit ang pangalan nito na sinasabing siya ang nagkokontrol ng SAF operations sa Mamasapano, Maguindanao kahit suspendido ito.
Nagbanta pa si Sen. Poe na gagamitin ng Senado ang kapangyarihan nito upang pwersahing dumalo sa pagdinig ang suspendidong PNP chief at kapag inisnab daw nito ang imbitasyon ay mapipilitang silang magpadala ng subpoena kay Purisima.
Nabatid na mula nang lumabas ang pangalan ni Purisima na siya ang may plano sa naturang operasyon ng SAF ay hindi pa ito nagbigay ng komento sa publiko sa halip ay tumulak ng Saipan.
Bukod kay Purisima ay iimbitahan din ng Senado ang kinatawan mula sa gobyerno at MILF at iba pang resource person na maaring makapagbigay linaw sa nangyari.
Ang 44 na miyembro ng Special Action Force ng PNP ay nasawi sa nasabing engkwentro habang mahigit 10 din na SAF ang nasugatan noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao upang isilbi ang arrest warrant laban kay Malaysian bomb expert Marwan at Basit Usman.
Samantala, hiniling ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi na dapat pang pabalikin sa pwesto si Purisima kapag natapos na ang suspension order dito ng Ombudsman.
Anya, hindi na magiging kapani-paniwala bilang hepe ng PNP si Purisima, kahit sa ibang PNP personnel, kung totoong hindi nito sinunod ang suspension order ng Ombudsman at pagtungo nito sa Saipan, USA.
Bukod dito maaari din kuwestiyunin ang loyalidad ni Purisima matapos itong sumunod sa dikta ng US sa halip kay Acting PNP Chief Gen. Espina.
Giit ni Colmenares kung totoong magaling na lider sina Presidente Aquino at Purisima ay dapat na akuin nila ang kanilang responsibilidad sa madugong operasyon sa halip na sisihin pa ang Special Action Force.
- Latest