Malacañang hiniling na pag-aralan muna... senado bubuo ng truth commission sa ‘Fallen 44’
MANILA, Philippines - Dapat pag-aralang mabuti kung magiging kapaki-pakinabang ang pagbuo ng Truth Commission dahil mayroon ng Board of Inquiry at Executive Commission.
Ito ang inihayag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sa panukala ng ilang senador na magbuo ng Truth Commission na mag-iimbestiga sa nangyaring paglusob ng mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa kuta ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kung saan 44 miyembro ng PNP-SAF ang nasawi.
“Dapat lang siguro pong pag-aralang mabuti kung ito ba ay magiging pinaka-kapaki-pakinabang na hakbang dahil nga po mayroon nang Board of Inquiry, mayroon na ring executive commission ‘yung kabilang panig, at mismo pong ‘yung mga kasapi ng International Monitoring Team at ‘yung CCCH (Coordinating Committee on Cessation of Hostilities) na mayroon din naman pong kaalaman hinggil sa mga ganyang kaganapan ay nag-offer na rin po ng kanilang assistance at kanilang mga inputs,” paliwanag ni Coloma.
Subalit, sinabi ni Coloma na hihintayin rin ng Malacañang kung ano ang mangyayari sa pulong ng Senado at mga congressmen sa meeting na gagawin sa Lunes tungkol sa pagbuo ng Truth Commission.
Nakatakdang magsagawa ng isang pulong balitaan bukas sina Senators TJ Guingona, Bam Aquino at Aquilino “Koko” Pimentel tungkol sa isinusulong nilang Truth Commission.
Kabilang din sa mga inaasahang dadalo ang anim na mambabatas mula sa House of Representatives na sina Reps. Sitti-Turabin-Hataman;Leni Robredo; Teddy Baguilat; Jorge Banal; Kaka Bag-ao; at Marcelino Teodoro.
- Latest