Budget officer sibak sa naantalang food allowance sa Papal visit
MANILA, Philippines - Dahil sa pagkakaantala ng food allowance ng mga empleyado ng Philippine National Police sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis sa bansa, tuluyan ng sinibak kahapon ni P/Deputy Director General Leonardo Espina ang isang Budget Officer.
Tinanggal si Supt. Evangeline Martos, Budget Officer ng Police Security and Protection Group (PSPG) batay na rin sa rekomendasyon ng tanggapan ng Director for Comptrollership at sasailalim sa pre-charge evaluation ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).
Unang pumalag ang mga PNP personnels na gumamit ng mga alyas sa pamamagitan ng facebook dahil P700.00 lang ang natanggap ng mga itong food allowance sa halip na P 2,400 sa kabuuan ng 8 araw na duty dahil maaga ang naging deployment ng mga ito.
Kamakalawa ay dumagsa sa Camp Crame ang halos 524 PSPG personnels upang kunin ang balanse ng kanilang allowance na dapat natanggap nila bago pa ang Papal visit.
Samantalang sisilipin rin ng PNP sa imbestigasyon ang pagpalag ng marami pang mga pulis mula sa Regional Police Office na umano’y mga panis na pagkain ang isinilbi habang marami pa ang nagrereklamo na wala ring natanggap na ‘food allowance’ sa kanilang duty.
- Latest