Apat na tulak tiklo
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) Anti-Illegal Drug- Special Operations Task Group ang apat na tulak ng iligal na droga sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan City at Maynila.
Sa ulat ng DAID-SOTG, kinilala ang mga nadakip na sina Jalani Macaorao, 22, may-asawa; at Saripoden Dipatuan, 31, kapwa residente ng Brgy. 648 C. Palanca Street, San Miguel, Quiapo, Maynila, habang nakatakas naman ang ikatlong target na si alyas “Buchoy”.
Natuloy ang “buy bust operation” dakong alas-5:45 kamakalawa ng hapon sa G. Tolentino street, Legarda, Maynila at nasakote ang mga nasabing suspek habang nakapulas ang ikatlo nilang kasama. Nakuha sa mga ito ang 10 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may halagang P50,000.
Dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang madakip naman ng mga tauhan ng Caloocan Police Station Anti Illegal Drugs unit ang mga hinihinalang tulak na sina Jaime De Ocampo, 43, at Allan Trinidad, kapwa ng Phase 7 Block 22 Bagong Silang, Caloocan, kung saan nakuha sa mga ito ang isang pakete ng umano’y shabu.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Danilo Garcia)
- Latest