Pakikiisa ng mamamayan, mahalaga sa Papal visit-Roxas
MANILA, Philippines - Nanawagan si Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa pakikiisa ng mamamayan sa pagbisita ni Pope Francis upang matiyak ang seguridad nito at ang kaligtasan ng milyon-milyong Pilipino na gustong makita nang malapitan ang Santo Papa.
Sa media briefing, nilinaw ni Roxas na ang banal na misa ng Santo Papa ay magsisimula ganap na alas-3:30 sa Linggo na tiyak dadagsain ng mga Katoliko.
Ipinaliwanag niya na ang mga lugar sa paligid ng Quirino Grandstand sa Rizal Park ay hahatiin sa mga grid na may dalawang layunin.
“Magsisilbi itong buffer kaya ito ‘yung tinatawag na breaker para kung magkatulakan ay may pupuntahan ang mga tao as emergency exit para kung may kailangang dalhin sa ospital ay mailalabas mula sa karamihan ng mga tao,” paglilinaw ni Roxas.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na hayaang bukas o huwag harangan ang daanan sa pagitan ng mga grid para makaikot si Pope Francis at makalapit sa mga taong gusto niyang lapitan.
Ani Roxas, ang bawat grid ay tatauhan ng walong pulis, 400 AFP reservists, walo hanggang sampung DOH personnel, walo hanggang sampung Red Cross volunteers at dalawang marshals.
Idinagdag niya na ang mga health personnel ay matatagpuan sa loob ng mga tolda na may mga kaukulang kagamitan na pang-emergency tulad ng tubig at oxygen tanks.
- Latest