Pagsabog sa bilibid 1 tigok, 19 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang preso habang sugatan ang labing siyam matapos sumabog ang umano’y isang granada sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Ang biktimang si Jojo Fampo, nasa hustong gulang, miyembro ng Sigue-sigue Commando Gang ay nasawi agad nang tamaan ng shrapnels sa ulo at katawan.
Dalawa sa 19 na preso ang nasa kritikal na kondisyon na nakilalang sina Alvin Cruz at RJ Lacdal, na mabilis na naisugod sa Ospital ng Muntinlupa habang ang 17 pang biktima ay agad naman naisugod sa NPB Infirmary at ngayon ay nilalapatan ng lunas.
Ayon kay NBP Sr. Supt. Richard Schwarzkopf Jr., naganap ang pagsabog ng isang MK-2 fragmentation grenade dakong alas-9:55 ng umaga sa gate ng Building 5 Delta ng Maximum Security Compound kung saan nakakulong ang mga miyembro ng Sigue-Sigue Commando Gang.
Unang nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ) Special Reaction Unit at Special Patrol Unit ng Muntinlupa City Police noong Disyembre 15 kung saan sinalakay ang mga kubol ng mga inmates na sina Jojo Balicad sa Maximum Security Compound na nakuhanan ng kalahating kilo ng shabu at drug paraphernalias, habang sa kubol ni Peter Co ay iba’t ibang uri naman ng baril, alak at kay Herbert Colangco ay apat na vault na naglalaman ng mga personal na gamit tulad ng limang kahon na rolex watch.
Nabatid pa kay Schwarzkopf, na nito lamang Enero 6 (Martes) umabot na sa 19 na iba’t ibang uri ng baril, 9 na improvised shot gun, tatlong granada, 403 na iba’t ibang uri ng bala ng baril, 78 na pirasong patalim at 268 na appliances na kinabibilangan ng ilang aircon, flat screen TV, mga computers, refrigerator at DVD player.
Samantala, sinibak ni Department Of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa serbisyo si NBP Prisons Assistant Supt. Catalino Malinao dahil sa kasong administratibo.
Sa resolusyon ng DOJ na may petsang Nobyembre 18, 2014, napatunayang guilty si Malinao sa mga kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service dahil sa pakikialam nito sa ginawang paghahalughog ng Special Patrol Unit sa selda ng inmate na si David Allen Uy noong Hulyo 7, 2014.
- Latest