14 sunog sa Bagong Taon
4 patay, bumbero naputulan ng kamay
MANILA, Philippines - Umabot sa 14 insidente ng sunog ang nangyari sa magdamag habang sinasalubong ang pagpasok ng Bagong Taon na kung saan ay apat katao ang nasawi at isang bumbero ang naputulan ng kamay.
Ito ang iniulat ni Bureau of Fire Protection (BFP) Spokesperson Chief Inspector Renato Marcial at apat sa mga insidente ay may kaugnayan sa paputok.
Anya, pawang maliliit ang insidente maliban sa natupok na bodega ng tiles at furniture sa Barangay Bangkal, Pasong Tamo, Makati City.
Nabatid na mag-aalas-11:00 ng gabi kamakalawa nang sumiklab ang sunog sa likurang bahagi ng dalawang palapag na Living and Style Building na nagsimula sa canteen sa ikalawang palapag ang apoy.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog na tumagal ng tatlong oras bago naapula.
Sa Bario Texas, Malate, Maynila ay nasawi ang isang 7-taong gulang na lalaki sa sunog.
Kinilala ang nasawing bata na si Andrei del Rosario, ng no, 1927 Muñoz St., Malate, Maynila.
Batay sa ulat, alas-2:00 ng madaling araw kahapon ay sumiklab ang apoy sa Muñoz Street na kung saan ay nagkahiwa-hiwalay pa ang katawan ng biktimang natagpuan sa kwarto nito sa ikalawang palapag ng nasunog na bahay.
Naapula ang sunog na umabot sa ikatlong alarma dakong alas-3:08 ng madaling araw.
Umabot sa 20 pamilya ang naapektuhan habang dalawa pa ang nasugatan matapos tumulong na apulahin ang apoy.
Nasa 800 kabahayan naman ang nasunog sa Kaingin Bukid,West Riverside, Barangay Apolonio Samson, Quezon City na ikinasawi ng apat katao at pagkasugat ng dalawang iba pa kabilang ang isang bumbero na naputulan ng kamay naganap kahapon ng umaga.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Evangeline Nicosia, 16; Arnol Tusi, 50; at Tirso Romano 39 na pawang na trap sa kanilang mga bahay habang sa kasagsagan ng sunog.
Habang lima ang nasugatan nasugatan kabilang si Paul Manuel, fire volunteer ng QC na naputulan ng kanang kamay matapos tamaan ng parte ng isang sumabog na tangke ng LPG at sibilyang si Rommel Balmaceda, 30.
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga sumiklab ang apoy na kaagad lumamon sa dikit-dikit na kabahayan na pawang yari sa light materials.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Janine Lopez, makaraan umanong may pumasok na kuwitis sa bahay nito.
Dahil walang tao sa bahay ni Lopez nang pumasok ang kwitis ay lumaki ang apoy hanggang sa tuluyang maglagablab ito at madamay ang kalapit na barong-barong dito.
Nasugatan si Manuel nang mahulog ito sa bubungan nang biglang may sumabog na Liquified Petroleum Gas (LPG) habang sinusubukang apulain ang apoy.
Alas-12:45 ng tanghali nang ideklarang fire out ang nasabing sunog na nag-iwan ng pinsala sa may 2,000 pamilya.
May ulat din anya ng sunog sa Cebu at Olongapo.
- Latest